REAL, Quezon (Eagle News) – Nagsagawa ng paglilinis ang mga miyembro ng Iglesia ni Cristo sa isang paaralan sa Real, Quezon, upang makatulong sa mga residente na makapaghanda sa pagdating ng unang araw ng klase.
Pinangunahan ng SCAN International, sa pagsubaybay ni Bro. Isaias Hipolito, district minister ng Northern Quezon, ang paglilinis sa Tagumpay Elementary School noong Miyerkules, ika-31 ng Mayo.
Naglakbay ang mga lumahok ng halos isang oras upang marating ang nasabing paaralan, na nasa malayong lugar sa Barangay Tagumpay.
Kahit pagod na sa pag-akyat sa bundok at paglakbay ng halos walong kilometro, ay agad na nilinis nila ang loob at labas ng bakuran ng nag-iisang paaralan sa barangay.
Tinabasan nila ang mga nagtataasan damo, at nilinis at tinanggal ang putik sa mga pader.
Inalis din nila ang makapal na tumpok na dahon ng puno sa bubungan ng dalawang classroom ng paaralan.
Nice Gurango – EBC Correspondent, Real, Quezon