EL NIDO, Palawan (Eagle News) – Hindi tumitigil ang Society of Communicators and Networkers (SCAN) International ng Iglesia ni Cristo sa pagsasagawa ng mga emergency and rescue seminars. Ito ay upang magkaroon ng sapat na kaalaman ukol sa pagresponde sa iba’t ibang uri ng mga sakuna at aksidente.
Kamakailan ay nakabahagi ang SCAN International sa isinagawang seminar para sa pagpuksa ng sunog. Pinangunahan ito ng mga pamunuan ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) ng El Nido. May kaugnayan pa rin ito sa patuloy na paghahanda para sa Fire Prevention Awareness Month ngayong buwan.
Ang nasabing seminar ay isinagawa ng mga kawani ng MDRRMO ng El Nido sa pangunguna ni Head Raymond Osorio at Asst. John Michael Sabaupan bilang speaker.
Ipinahayag din ng pamunuan ng MDRRMO na ang SCAN International ang isa sa mga nais nilang maging volunteers ng ahensya. Ayon sa kanila dahil sa mga pagkilos na ginagawa nito ay malaki ang kontribusyon sa pamayanan ukol sa pagresponde sa iba’t ibang uri ng sakuna at kalamidad saanmang panig ng bansa.
Anne Ramos at Lito Lomo – EBC Correspondents, Palawan