Nagsampa rin ng kasong libelo ang mga miyembro ng SCAN International -Nueva Ecija Chapter laban kay Lowell Menorca II.
Ayon sa grupo, ang mga mapanirang akusasyon ni Menorca ay naglalayon lamang na ipahiya ang kanilang organisasyon at siraan ito sa madla.
Taliwas aniya ito sa tunay na layunin ng pagkakatatag sa kanilang grupo at sa kanilang isinasagawang serbisyo publiko hindi lamang para sa kapakanan ng mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo kundi para sa lahat ng mamamayan.
Isa sa nagsampa ng kasong libelo laban kay Ginoong Lowell Menorca II si Ginoong Noel Reyes isang kaanib sa SCAN. Ito ay matapos nilang mapanood sa isang TV station ang pahayag ni Menorca noong ika-28 ng Oktubre, 2015
Ayon kay Ginoong Reyes ang mga paratang ni Menorca ay nagdulot ng kasiraang-puri, kawalang–tiwala at pagkamuhi ng mga tao sa SCAN.
Aniya pa, pagkatapos ng nasabing panayam kay Menorca, nilait siya ng mga tao bilang miyembro ng SCAN maging ang kanyang asawa at mga anak ay nasaktan din sa paninirang-puri ni Menorca.
Marami rin daw tao maging ang kanyang mga kapit-bahay ang nakarinig sa mga pahayag ni Menorca na ang kanyang buong pagkatao ay nabilad sa labis na kahihiyan at marami ang nagduda lalo na sa kanyang personal na pagkatao.
Ang nasabing kaso ay isinampa sa sala ni Hon Ron F. Salmo City Prosecutor sa bulawagan ng katarungan lungsod ng San Jose, Nueva Ecija.
(Agila Probinsya Correspondent Emil Baltazar)