Seal of Good Local Governance, iginawad sa Mariveles, Bataan

 

MARIVELES, Bataan (Eagle News) — Muling ginawaran sa pangatlong pagkakataon ng Department of Interior and Local Government (DILG) ng Seal of Good Local Governance ang bayan ng Mariveles, Bataan.

At mula sa labing-isang (11) munisipalidad sa lalawigan ng Bataan, walo rito ay tumanggap ng award mula sa DILG tulad ng bayan ng Dinalupihan, Hermosa, Bagac, Morong, Orani, Pilar, Samal at ang bayan ng Mariveles , kabilang din ang siyudad ng Balanga at ang lalawigan ng Bataan.

Ayon sa ginawang State of the Municipal Address ni Mayor Atty. Ace Jello Concepcion ito na ang ikatlong taon na sunod-sunod na tumanggap ng seal of good local governance ang bayan ng Mariveles simula pa noong taong 2015, 2016 at taong 2017.

Dagdag pa ng alkalde, naging mas mahigpit sa taong 2017 ang ginawang validation ng DILG kung saan naging basehan ng DILG ang maayos na pamamalakad ng lahat ng programa at paggamit ng pondo ng lokal na pamahalaan sa nasabing lugar.

Kasama sa naging basehan ng DILG sa paggagawad ng award ang financial administration, social protection, disaster preparedness, peace and order, business friendliness and competitiveness, environmental management at tourism, culture and the art na pinagsikapang maipasa ng Mariveles.

Nagpapasalamat din ang alkalde ng bayan sa mga kasamahan nito sa LGU at mga barangay official sa malaking tulong at pakikipagkaisa at hinikayat nito ang publiko na samahan siya na gawing reyalidad ang kanilang mga pangarap sa mga programang ipinatutupad ng lokal na pamahalaan.

(Eagle News Larry Biscocho)