Seal of Good Local Governance muling nakamit ng Palawan

PALAWAN (Eagle News) – Muling pinarangalan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan dahil sa mabuting pamamahala nito.

Personal na tinanggap ni Governor Jose Ch. Alvarez ang Seal of Good Local Governance (SGLG) mula kay DILG Secretary Ismael Sueno kamakailan sa Sofitel Philippine Plaza, Manila.

Sa dalawang magkasunod na taon (2015 at 2016) ay natanggap ng Pamahalaang Panlalawigan ang nasabing award. Ipinagkakaloob ito ng DILG sa mga Lokal na Pamahalaan na nakapasa sa kanilang pamantayan para sa mahusay na pamamahala. Noong taong 2014 ay nagkamit naman ng lalawigan ang Seal of Good Local Housekeeping.

Mahalaga para sa Pamunuan ng Kapitolyo ng Palawan na makamit muli ang SGLG. Dahil ito ang ginagamit na basehan ng mga banko sa pagpapahiram ng pondo sa Pamahalaang Lokal para sa kanilang mga programa at proyektong ipinatutupad.

Simula noong Abril taong kasalukuyan ay sumailalim ang Kapitolyo sa masusing pagsusuri ng DILG Regional Assessment Team. Ito ay upang personal na siyasatin ang mga dokumentong kinakailangan at personal na inobserbahan ang transaksyon sa Kapitolyo.

Ang batayan ng DILG sa naturang pagkilala ay nahahati sa dalawang kategorya;

  1. Core component na binubuo ng good financial housekeeping, disaster preparedness at social protection.
  2. Essential component na business friendliness and competitiveness, environment protection at peace and order.

Naipasa ng Kapitolyo ang pagsusuri sa lahat ng core at essential components kaya naitanghal ito ngayong taon para tumanggap ng prestihiyosong pagkilala. Bagamat nakatanggap ang Pamahalaang Panlalawigan ng Performance Challenge Fund (PCF) sa halagang P7 Milyon noong taong 2015 kalakip ng SGLG ay hinihintay pa ng Kapitolyo ang PCF nito para sa taong 2016.

Joel Marquez – EBC Correspondent, Palawan

Related Post

This website uses cookies.