(Eagle News) — Nagpasalamat si Labor Secretary Silvestre Bello III sa suportang ipinagkaloob sa kaniya ng samahan ng mga lisensyadong recruitment at manpower agencies sa bansa.
Kahapon, binasa ng mga Pangulo ng halos isandaan limampung (150) land-based recruitment agencies ang kanilang manifest of support kay Bello.
Nanawagan din ang mga ito kay Pangulong Rodrigo Duterte na panatilihin si Bello sa labor department.
Ayon kay Bello, malaking bagay sa kaniya ang nasabing suporta dahil ilang araw na siyang tila nabubugbog ng mga black propaganda at trial by publicity na umano ang nangyayari.
“Wala naman po akong nakita na inapi ko o pinagsamantalahan ko, wala naman po eh kasi kaibigan ang turing ko sa kanila. Kung kaya ko silang tulungan, tutulungan ko sila eh kung hindi ko kaya hihingi ako ng paumanhin. Kagaya ni Ms. Araneta, ang problema po nya ay sinarahan yung kaniyang lisensya, kinansela eh hindi naman ako. Kung sana ako ang nagsara ng kaniyang lisensya maaaring sisihin nya ako,” pahayag ng opisyal.
Matatandaang si Bello ay naharap sa panibagong alegasyon ng katiwalian sa presidential Anti-Corruption Commission dahil umano sa pagtanggap ng regalo at paghingi ng suhol mula sa isang recruitment agency owner.
https://youtu.be/8gaXJhH3IZ0