Ni Jun Cronico
Eagle News Correspondent
ZAMBOANGA CITY (Eagle News) – Napipinto na umano na tuluyan nang mapabagsak ang teroristang grupo na Abu Sayyaf, ito ang binitiwang pahayag ni Secretary Delfin Lorenzana ng Department of National Defense (DND).
Ito ay matapos matanggap ang balitang sumuko na sa militar ang notorious at ang isa sa top 2 ASG leader na si Nurhassan Jamiri sa Basilan kasama ang 13 tauhan nito.
Kalakip nilang isinuko ang 10 high-powered firearms, mga bala at isang granada. Si Jamiri at ang mga kasamahan nito ay sumuko makalipas lamang ng dalawang araw matapos bigyang-diin ng Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbisita nito sa Sulu kamakailan na binibigyan niya ng pagkakataon ang mga miyembro ng Abu Sayyaf na sumuko at magbagong buhay.
Si Jamiri ay ang overall ASG commander na nag-ooperate sa mga bayan ng Al Barka, Tuburan, Tipotipo, Akbar, Mohamad Ajul, at Lamitan City sa Basilan. Siya rin ang itinuturong operations officer at chief ng urban terrorist group sa Basilan.
Nakilala si Jamiri na responsable sa 2002 Fort Pilar Zamboanga City Bombing, 2007 ambush sa tropa ng marines sa Albarka, Basilan na ikinamatay ng 24 marines at 19 special forces students, at 2001 Lamitan siege.
Sangkot din ang grupo ni Jamiri sa Sulu based ASG na nagsasagawa ng sea jacking at kidnapping sa mga Vietnamese vessels sa karagatan ng Basilan. Sangkot din ang kaniyang grupo sa IED attacks sa Isabela, Lamitan at Zamboanga City. Dagdag pa ang mga extortion at kidnap for ransom activities sa lalawigan ng Basilan.
Batay sa datos ng militar, nasa 216 na mga Abu Sayyaf na ang sumuko sa pamahalaan kung saan ang 100 ay mula sa Basilan na siyang naging sentro ng operasyon ng bandidong grupo simula pa noong 1995.
Dagdag pa ni Lorenzana na inaasahan na rin nila anumang araw na kasunod na ring susuko sa gobyerno ang ilan pang matataas na lider ng bandidong Abu Sayyaf na magiging dahilan ng mabilis na pagkawasak at pagbagsak nito ng tuluyan.
(Eagle News Service)