DAVAO CITY (Eagle News) – Ipinahayag ni Mayor Inday Sara Duterte sa isinagawang pulong ng City Peace and Order Council (CPOC) kamakailan na magtatatag umano ang Davao City ng permanenteng traffic inspection stations sa mga borders bilang bahagi ng counter-terrorism measures ng lungsod.
Ang nasabing pagpupulong ay dinaluhan ng matataas na opisyal ng pulis, militar, kinatawan ng sektor ng negosyo at iba pang grupo.
Ayon kay Mayor Sara, maaring simulan ang paglagay ng permanenteng inspection stations sa Lasang sa darating na taon kung saan mayroon umanong government property na maaaring gamitin. Ito ay lalagyan ng x-ray scanners at iba pang equipment na magagamit upang ma-detect ang mga contraband kasama ang drugs at mga armas.
Ang Davao City ay may mga checkpoint sa Lasang, Toril at Marilog na pinamumunuan ng Task Force Davao.
Samantala, ang Joint Task Force HARIBON ay nagsagawa ng kanilang Blessing & Display of Coast Guard Maritime Assets sa Sta. Ana Wharf, Leon Garcia, Davao City kamakailan lamang.
Ayon sa pamunuan ng Joint Task Force HARIBON, ang maritime assets ay mas lalong magpapalakas sa security posture ng MEGA DAVAO partikular na sa coastal areas ng lungsod. Ito umano ay makakatulong sa seguridad at proteksyon ng publiko laban sa terorismo hindi lamang sa lupa kundi kasama dito ang sea lanes ng MEGA Davao.
Kanila umanong inaasahan ang suporta ng lahat upang mapanatili ang kapayapaan sa Davao.
Haydee Jipolan – EBC Correspondent, Davao City