MANILA, Philippines (Eagle News) — Magpapatupad ng mahigpit na seguridad ang Philippine National Police, kasabay ng annual meeting ng Asian Development Bank na isasagawa sa bansa.
Ito na ang ikalimang pagkakataon na pangungunahan ng Pilipinas ang nasabing event, kung saan libu-libong delegado mula sa 67 na bansa ang inaasahang dadalo.
Inaasahang tatagal ito ng apat na araw na magsisimula ngayon at matatapos sa Linggo, Mayo 6.
Ayon kay PNP Chief Oscar Albayalde, nasa 7,500 na mga pulis ang nakadeploy para sa seguridad ng mga delegado kabilang na ang iba pang security personnel mula sa ilang law enforcement agencies, local government at iba pa.
Aniya, ang security measures na ipinapatupad sa naturang event ay katulad ng ipinatupad sa APEC Summit at ASEAN noong nakaraang taon.
“The Inter-Agency Security Task Force for ADB 2018 led by the PNP is now in its full swing in its security and safety coverage for the 51st asian development bank board of governors meetings,” pahayag ng opisyal.
Wala namang nakikitang banta sa seguridad ang PNP mula sa mga international at local terrorist.
Tiniyak ni Albayalde na na nakahanda ang PNP at may contingency plan sakaling may masumpungang banta sa seguridad. Ian Jasper Ellazar