(Eagle News) — Ipinatutupad na ngayon ang pinakamataas na antas ng seguridad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ito ay kasunod ng nangyaring pamamaril at panununog sa Resorts World Manila sa Pasay City.
Ayon sa report, nasa mahigit 30 katao na ang kumpirmadong patay at 54 naman ang sugatan sa nangyaring insidente.
Samantala, humingi naman ng paumanhin ang Cebu Pacific sa mga na-delay nilang flight dahil sa insidente.
Una nang kinalma ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald Dela Rosa ang publiko at sinabing hindi maaaring ituring na terror attack ang insidente.
“As of now, we cannot claim this is a terror attack, why? kasi wala siyang ginawang violence, wala siyang sinaktan,” ayon kay Dela Rosa.
“Kung ISIS ‘yun dapat pinagbabaril na ‘yung mga tao, nambomba na,” dagdag pa nito.
Sa gitna ng pangyayari, pinayuhan ni Dela Rosa ang publiko na maging kalmado at alerto.
“We ask the public na huminahon at iwasan muna ‘yung lugar. Kung mayroon po tayong information, ibigay sa awtoridad,” pahayag ni Dela Rosa.