ZAMBOANGA CITY (Eagle News) – Doble bantay ngayon ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Zamboanga Port Area.
Ito ay dahil sa pagdating ng mga kalalakihan mula sa isla ng Basilan, Sulu at Tawi-tawi na dadalo sa dalawang araw na Bangsamoro general assembly sa Maguindanao.
Inaasahan din na dadagsain ng maraming kalalakihan ang Bangsamoro general assembly na isasagawa ngayong darating na Nobyembre 26 at 27 sa Old Capitol Building, Brgy. Simuay, Sultan Kudarat, Maguindanao.
Sinabi ni Chief Inspector Hingming Lajaali, operations chief ng PNP Zambonga, na karamihan sa mga dadalo sa naturang Bangsamoro assembly ay manggagaling sa isla ng Basilan, Sulu at Tawi-tawi.
Ayon sa opisyal, nais lamang nilang matiyak na hindi mahahaluan ng mga masasamang elemento lalo na ang posibleng pananamantala ng mga miyembro ng Abu Sayyaf at ISIS na magmumula sa tatlong nabanggit na isla.
Ang Basilan, Sulu at Tawi-tawi ang tinutukan ngayon ng mga otoridad dahil sa posibleng pagtatago ng mga teroristang grupo sa kampo ng mga bandidong Abu Sayyaf.
Christine Garcia – Eagle News Correspondent
https://www.youtube.com/watch?v=sho4w4EbYuw&feature=youtu.be