Sen. Angara umapela sa Senado na ipasa na ang Universal Health Care Bill

(Eagle News) — Umaapela si Senador Juan Edgardo “Sonny” Angara sa mga kapwa mambabatas na suportahan ang pagsasabatas ng Universal Health Care bill na layong gawing abot-kaya ang lahat ng serbisyong medikal.

Sa Senate Bill 1896, awtomatikong ipapasakop sa National Health Insurance Program ang lahat ng Pilipinong nangangailangan ng tulong medikal tulad ng preventive, promotive, curative, rehabilitative at palliative health services.

Ayon kay Angara, kung may kakayahan ang bawat Pilipino na makapagpasuri sa doktor, tiyak na maiiwasan kung anuman ang karamdamang maaaring nagpapahirap sa kalusugan ng mga ito.

Nakasaad rin sa panukala na pangangasiwaan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang lahat ng healthcare services, gayundin ang mga pondong nakalaan sa mga medical assistance mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

Sakaling maaprubahan, libre na ang pagpapacheck-up at mga laboratory test at mga gamot kung saan Philhealth na ang sasagot sa gastusin ng bawat pamilyang Pilipino.

“Kaya’t kapag naging single national purchaser ang Philhealth, mas malaki na ang puhunan nito, at mas malaki ang kanyang kakayanan para saluhin ang mga gastusing medikal ng pamilyang Pilipino. Sa pamamagitan ng Universal Health Care bill, wala nang Pilipinong magigipit kapag nagkasakit,” pahayag ng Senador. Meanne Corvera

Related Post

This website uses cookies.