(Eagle News) — Iminumungkahi ni Senador Sherwin Gatchalian na tanggalin na ng National Food Authority (NFA) ang Php 115,000 rice permit fee sa mga supermarket.
Ito ay kasunod ng pagtuligsa ng Senador sa plano ng ahensya na patawan ang mga retailer ng karagdagang bayad upang payagang makapagbenta ng murang bigas.
Matatandaang una nang sinabi ng Department of Trade and Industry (DTI) na sa mga darating na panahon ay maaari nang makabili ng NFA rice ang mga mamimili sa mga piling supermarket.
Ngunit sinabi naman ng Philippine Amalgamated Supermarkets Association Inc., na papatawan naman ng NFA ang mga retailer na mayroong start-up capital na P10 milyon na magbayad muna ng p115,000 halaga upang makapagbenta ng NFA rice.
Sa isang pahayag, tinawag ni Gatchalian ang naturang hakbang ng NFA na uncoordinated at impractical.
Aniya, tila taliwas ito sa gusto ng ahensya na maraming mga pamilihan ang makapagbenta ng murang bigas sa publiko.
“This is an ill-conceived move of the NFA. Akala ko ba ang gusto nila ay dumami ang magbenta ng murang bigas? Paano mangyayari ‘yon kung ikaw na nga ang humingi ng tulong, ikaw pa ang maniningil ng pagkamahal-mahal na permit fee?” pahayag ng senador.
Ayon pa sa Senador, dapat lamang na buwagin na ang NFA dahil nagbibigay lamang ito ng karagdagang problema sa publiko.
“Kung ikaw ba ang may-ari ng supermarket, magbabayad ka ba ng permit fee na ‘yan if in the first place eh ‘di ka naman required magbenta ng NFA rice?” ayon kay Gatchalian.
“This is yet another reason why the NFA should be abolished. Sakit ng ulo lang ang ibinibigay nila sa mga kababayan natin,” pagbibigay diin ng senador.
Dagdag pa nito, sinabi na ng DTI na hindi naman nakasaad sa nilagdaang memorandum of agreement (MOA) kasama ang PAGASA Inc., ang hinihinging permit fee ng NFA.
“Mismong DTI (Department of Trade and Industry) na ang nagsabi na wala naman sa MOA yung permit fee na ‘yan. So why is the NFA now suddenly and unilaterally charging this arbitrary fee?” pahayag ni Gatchalian.