Sen. Lacson kay SOJ Aguirre: “Wala ka namang kadala-dala”

(Eagle News) – Pinayuhan ni Senador Panfilo Lacson si Justice Secretary Vitaliano Aguirre na alamin muna ang mga pangyayari at impormasyon bago magsalita sa harap ng publiko at mag-akusa ng kung anu-ano.

“Wala ka namang kadala-dala,” pahayag ni Lacson.

“Parang speaking too soon or shooting from the hip. Kasi siyempre ‘pag may sinabi ang SOJ dapat beripikadong-beripikado. Dapat i-fact check mo, tapos check and recheck and recheck,” ayon kay Lacson.

Reaksyon ito ni Lacson makaraang humingi ng paumanhin si Aguirre kay Senador Bam Aquino makaraang i-ugnay ito sa mga nasa likod ng ginawang pag-atake ng Maute Group sa Marawi City.

Dahil nakumpirma na ng Commission on Appointments si Aguirre, sinabi ni Lacson na wala nang magagawa pa ang komisyon sa mga pagkakamali umano ng kalihim.

Tanging si Pangulong Rodrigo Duterte lamang ayon kay Lacson ang mapagsasabi kung ano ang magiging kapalaran ni Aguirre bilang pinuno ng ahensyang kaniyang hinahawakan.

“‘Di puwedeng ‘di si­gurado ang info ilalabas mo kaagad. Talagang ma-open ka ma-misquote o kaya makuryente,” dagdag ni Lacson.

Related Post

This website uses cookies.