Sen. Trillanes, tinawag na ‘rubberstamp’ ng Malacañang ang Senado

(Eagle News) — Tinawag ni Senador Antonio Trillanes na “rubberstamp” ng Malacañang ang Senado habang “puppet” umano ng Pangulong Rodrigo Duterte ang mga senador.

Katunayan, sinabi ni Trillanes na nawala na raw ang pagiging independent ng Senado at isa na ito sa mga itinuturing na most damaged institution.

Kung dati ang Senado aniya ang huling protektor ng demokrasya, ngayon ay para na aniya silang tuta ng administrasyon dahil sa pagtanging imbestigahan ang mga kaso ng kriminalidad, kabilang na ang alegasyon ng extra-judicial killings na ibinunyag ni Retired Spo4 Arturo Lascañas.

Pinuna rin nito ang ilan aniyang senador na chairman ng mga komite na tumangging imbestigahan ang mga pag-abuso diumano ng administrasyon.

Ilan sa tinukoy ni Trillanes ay ang resolusyon para pagpaliwanagin si Justice Sec Vitaliano Aguirre sa ginawang pag downgrade sa kaso ni Police Supt. Marvin Marcos sa kasong pagpatay kay dating Albuera Leyte Mayor Rolando Espinosa at ang libu-libo aniyang biktima ng pagpatay sa war on drugs ng gobyerno.

Tulad ni Duterte na aniya’y walang nagawa sa loob ng isang taong pamumuno maliban sa mga kaso ng pagpatay, sinabi ni Trillanes na bagsak rin ang performance ng Senado.

Katunayan, apat na panukala lamang aniya ang naisabatas ng Senado dahil sa mabagal na mga imbestigasyon.

Ilang senador, bumuwelta; tila nagha-hallucinate umano si Trillanes

Pero bwelta ng mga kapwa Senador, tila nagha-hallucinate si Trillanes.

“I don’t know where he is coming from and I’m not even sure if he is still rational in his thinking. One thing I’m sure about, he is dead wrong. He is so out of touch with reality, if not hallucinating too much. Calling one’s own colleagues “cowards” or “puppets” wholesale and without qualifying, is the darnest thing he can do,” pahayag ni Senador Panfilo Lacson sa isang text message.

Sabi ni Lacson tila wala na sa matinong pag-iisip si Trillanes dahil malayo na raw sa realidad ang mga alegasyon nito laban sa mga mambabatas.

Si Senate President Aquilino Pimentel, ayaw nang patulan si Trillanes.

Maaari raw na nagpapapansin lang ito sa media kaya paulit-ulit ang mga walang batayang alegasyon.

(Eagle News Service, Meanne Corvera)