Ni Meanne Corvera
Eagle News Service
Personal na binisita ng mga senador na miyembro ng oposisyon si Senador Leila de Lima sa Philippine National Police Custodial Center sa Camp Crame nitong Lunes.
Alas onse singko kaninang umaga nang pumasok sa Custodial Center sina Senador Franklin Drilon, na lider din ng minorya; Francis Pangilinan; Antonio Trillanes IV; at Risa Hontiveros.
Tumagal sila doon ng isang oras.
Bago ang pagbisita, nagsagawa ng caucus ang minorya para talakayin ang mga isusulong na panukala sa pagbabalik ng sesyon bukas.
Ayon kay Drilon, napag-usapan ang kanilang balak na dumulog sa korte para hilingin na pansamantalang makalaya si De Lima kapag isinalang na sa deliberasyon at botohan sa plenaryo ang mga kontrobersyal na panukalang batas.
Kasama sa mga ito ang pagbabalik ng parusang bitay, ang pagbaba ng edad ng mga batang maaaring sampahan ng kaso at ang pagsulong na pagpapaliban ng baranggay at SK elections sa oktubre.
Ito ang unang pagkakataon na bumisita ng sabay sabay ang mga senador kay De Lima matapos itong makulong noong Pebrero.
Sa ngayon, maayos naman aniya ang kundisyon ni De Lima at nabawasan daw ang stress nito.
Abala raw ito ngayon sa pagbabasa ng mga libro at pagsubaybay sa mga nangyayari sa kampanya ng gobyerno kontra droga.