Senador Escudero, pinag-aaralang muling paimbestigahan ang pork barrel scam

Senador Chiz Escudero sa Kapihan sa Senado nitong ika-11 ng Mayo, 2017. /Meanne Corvera/ Eagle News Service

Ni Meanne Corvera

Eagle News Service

Sa harap ng mga balitang posibleng gawing state witness si Janet Lim Napoles, pinag-aaralan na ni Senador Francis Escudero ang paghahain ng resolusyon para muling maimbestigahan ng Senado ang kontrobersyal na anomalya sa priority development assistance fund o mas kilala sa pork barrel.

Ayon kay Escudero, hindi kasi nabigyan ng closure ang imbestigasyon, katunayang may mga senador at kongresista na hindi nakasama sa kinasuhan noon ng Department of Justice.

Sinabi ni Escudero na batay sa report ng Commission on Audit, umaabot sa mahigit labing-apat na bilyong piso ang nalustay na PDAF sa mga bogus na non-government organization.

Pero anim na bilyong piso lang dito umano ang dumaan sa mga NGO ni Napoles.

Kailangan pa aniyang imbestigahan kung saan napunta ang halos walong
bilyong piso.

Puna pa ni Escudero, tila nasentro lang sa mga kalaban noon ng Aquino administration ang pagsasampa ng kaso at hindi nakasama sa mga nakasuhan ang mga kaalyado ng Partido Liberal.

Kabilang sa mga senador na nakasuhan dahil sa anomalya sina dating Senador Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Bong Revilla.

Maaari naman aniyang habulin ng gobyerno ang iba pang idinadawit sa pork barrel scam dahil sa ilalim ng batas, 20 taon ang prescriptive period ng kasong plunder.

“Kada bagong Senado pwede gawin yun, ang pagpapaimbestiga,” aniya.

Related Post

This website uses cookies.