Ni Meanne Corvera
Eagle News Service
Kinastigo ni Senador Panfilo Lacson ang pagmamaktol ni Social Welfare Secretary Judy Taguiwalo matapos maunsyami ang ikalawang pagsalang niya sa Commission on Appointments.
Sa mensahe sa kaniyang Twitter account, inakusahan ni Taguiwalo ang CA na sinasadya ang pagdelay ng kanyang kumpirmasyon.
Sabi ni Taguiwalo, tila sinasaktan at tinorture siya ng makapangyarihang komisyon.
Pero sabi ni Lacson, may dahilan naman kaya naipagpaliban ang pagsalang nito sa confirmation hearing kahapon.
Naubos aniya ang oras ng CA sa pagdinig sa appointment ng ilang ambassadors at foreign service officials, kasama na si Health Secretary Paulyn Ubial.
“Hindi naman pwedeng diktahan yung komisyon dahil nandyan siya, uunahin siya, paano naman yung ibang nauna? Kung ganyan ang attitude ng nominee or appointee, while i manifested support, baka magbago pa isip ko.
Sa lahat ng ayaw ko yung pinepressure ako,” wika ni Lacson.
Ang mga CA member na sina Senator Franklin Drilon at JV Ejercito ay nagsabi rin na hindi naman sinasadya na madelay ang proseso ng pagkumpirma kay Taguiwalo.