Senate ethics committee, posibleng desisyunan na ang reklamo vs Sen. De Lima

By Meanne Corvera
Eagle News Service

MANILA, Philippines (Eagle News) — Posibleng magdesisyon na ang Senate Committee on Ethics sa dalawang reklamo na isinampa laban kay Senador Leila De Lima.

Ayon kay Senate Majority Leader Vicente Sotto, Chairman ng Committee, agad syang magpapatawag ng all-member caucus sa May 2 para alamin ang kanilang pulso sa reklamo at sagot ni De Lima.

Kabilang na rito ang reklamo na isinampa ng grupo ni House Speaker Pantaleon Alvarez sa umano’y pagharang ni De Lima sa pagtestigo ng driver/boyfriend na si Ronnie Dayan sa imbestigasyon sa pagkalat ng droga sa New Bilibid Prison at reklamo na isinampa ng isang Atty Abelardo De Jesus.

Huling linggo ng Enero nang magdesisyon ang komite na ipursige ang kaso laban kay De Lima matapos itong makitaan ng form at substance.

Pero hindi na raw oobligahin si De Lima na humarap pa sa deliberasyon ng komite lalo’t kasalukuyan itong nakakulong sa Kampo Krame dahil maari naman itong katawanin na lamang ng kaniyang mga abugado.

Inamin ni Sotto na kailangan na nilang madaliin ang pagdedesisyon sa isyu para hindi maakusahang pinoprotektahan o pinahihirapan si De Lima.

Pero tumanggi si Sotto na sabihin kung ano ang maaaring maging kapalaran ni De Lima.

Sakaling mapatunayan ang ethics complaint, ang isang miyembro ng Senado ay maaring patawan ng parusa kabilang na ang pagkakasuspinde o pagpapatalsik sa puwesto.

Pero bago tuluyang mapatalsik bilang miyembro ng Senado, kailangan munang paboran ang expulsion sa kanya  ng two thirds o  labing-anim na senador.

Related Post

This website uses cookies.