Service crew na nagsauli ng bag na naglalaman ng P 1 milyon, pinarangalan

OLONGAPO CITY, Zambales (Eagle News) – Pinarangalan sa mismong “Araw ng Paggawa ang isang service crew na si Jessa Bhett Benavidez sa Olongapo City. Ito ay matapos magsauli ng bag na naglalaman ng  isang milyong piso.

Pinangunahan ni Atty. Wilma Eisma, Subic Bay Metropolitan Authority Administrator and CEO ang pagkilala sa nasabing matapat na empleyado ng isang Japanese Restaurant sa SBFZ.

Noong April 25, isang grupo ng foreigner ang kumain sa isang Japanese restaurant sa Olongapo City. Kinabukasan nang muling mag-duty si Jessa ay nakita niya ang isang brown bag na naglalaman ng passport ng isang German National. Agad naman niya itong ipinaalam sa kaniyang supervisor upang maibalik sa may-ari nito. Laking pasasalamat at mangiyak-ngiyak umano ang German national nang maisauli sa kaniya ang bag na naglalaman hindi lamang ng isang milyong piso kundi pati ng mga mahahalagang dokumento.

Hindi lamang ito ang unang pagkakataon na nasubok ang katapatan ni Jessa. Minsan na ring may nakaiwan ng  95,000 pesos sa nasabing resto sa lungsod na madali naman niyang naisauli kasama ang mga katrabaho.

Matatag si Jessa sa paniniwala na kahit walang ibang taong makakita sa kanya ay nakikita naman siya ng Ama. Dagdag pa niya na “Hindi siya maibigin sa salapi,” ayon pa sa kaniya hindi man makita ng ibang tao at hindi man magantimpalaan, ang Ama naman ay nariyan para suklian ang kaniyang mabuting gawa.

Bryan Pelaez at Anne Rivera – EBC Correspondent, Olongapo City,Zambales

Related Post

This website uses cookies.