(Eagle News) — Hinimok ng grupong Laban Konsyumer sa Department of Energy (DOE) na imbestigahan ang limang linggong sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon kay Laban Konsyumer convenor at dating trade undersecretary Victorio Dimagiba, dehado ang mga karaniwang motorista na naglalaan ng pondo para sa kanilang konsumo ng krudo kada-araw.
Kinakailangan na aniyang magdagdag sa kanilang budget pang-gasolina ang mga motorista dahil umiiksi na ang kanilang biyahe mula sa 500 pisong average allotment dahil sa oil price hike.
Sinabi ni Dimagiba na dapat pagpaliwanagin ng DOE ang mga kumpaniya ng langis sa serye ng oil price hike.
Hinimok din nila ang Department of Justice at Philippine Competition Commission na pumasok na rin sa usapin.