CAUAYAN CITY, Isabela (Eagle News) – Sa pagtutulungan ng mga miyembro ng Philippine Drug Enforcement Agency- Camp Crame, Maynila, SWAT at PNP Cauayan City, Isabela ay isang Shabu laboratory ang kanilang ni-raid noong Linggo ng gabi, October 24. Ayon sa awtoridad, buwan pa ng Disyembre 2015 ay under surveillance na ang naturang lugar.
Kung pagmamasdan ang lugar ay hindi mahahalata dahil sa bandang harapan ay tindahan ng mga sari-saring produkto subalit sa loob ay naroon pala ang shabu laboratory.
Ayon sa report dalawang Taiwanese National ang may-ari ng naturang laboratory. Naabutan pa aniya ng raiding team ang mga ito sa pagpasok sa naturang lugar. Subalit pinaputukan ng mga ito ang awtoridad at sa pagganti ng putok ng mga pulis ay tinamaan ang mga ito na naging sanhi ng kanilang agarang pagkamatay. Ang isa sa namatay ay nakilalang si King Punsalan Uy, samantala inaalam pa ang pangalan ng isa pang Taiwanese national.
Napag-alaman din na nagsisimula pa lamang sanang mag-operate ang nasabing shabu lab subalit agad na itong napigilan ng awtoridad. Makapagpo-produce aniya ang nasabing shabu lab ng 200 kilos na shabu sa loob lamang ng 10 araw. Kaya maituturing na ang isinagawang raid ay isang malaking tagumpay ng Pamahalaan.
Val Del Mundo – EBC Correspondent, Cauayan City, Isabela