(Eagle News) — Nagpatupad ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng shellfish ban sa ilang bahagi ng Visayas, matapos itong mag-positibo sa presensya ng paralytic shellfish poison.
Sa pinakahuling shellfish bulletin ng BFAR kahapon, tinukoy nila ang mga lugar na nagpositibo sa paralytic shellfish poison at ito ay ang mga sumusunod:
– Irong-Irong at Cambatutay Bays sa Western Samar;
– Matarinao Bay sa Eastern Samar;
– Baybayin ng Leyte;
– Baybayin ng Calubian at ang Carigara Bay sa Leyte;
– Baybayin ng Gigantes Islands sa Carles, Iloilo;
– at baybayin ng Dauis at Tagbilaran City sa Bohol.
Dahil sa nasabing shellfish ban, pinayuhan ng BFAR ang publiko na huwag munang mag-ani, mag-benta, bumili o kumain ng mga shellfish sa mga nabanggit na lugar, dahil hindi ito “safe for human consumption.”
Gayunman, maari pa rin naman kainin ang mga isda, pusit, hipon at alimango basta siguraduhing sariwa ito at natanggal na ang mga hasang at bituka bago iluto.