(Eagle News) — Aminado ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hindi nila kayang akuin lahat o i-accommodate ang maraming mga batang palaboy.
Sa harap na rin nito ng inaasahang pagdami ng mga batang palaboy na maaaring damputin ngayon ng mga pulis matapos sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na isusunod niyang target ang mga batang lansangan.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni DSWD acting secretary Virginia Orogo na sa pangkabuuan ay mayroon lamang silang 72 centers sa Metro Manila.
Ayon kay Orogo, ipinaaayos na nila ang ilan sa mga ito at pinadaragdagan pa nila ng tig-50 na mga higaan kada center.
Ito ay bilang paghahanda sa inaasahang paglobo ng mga batang lansangan na posibleng i- turn over sa kanila ng mga pulis o mga taga-barangay.
Magkagayunman, tiniyak ni Orogo na agad nilang ipoproseso ang mga batang isusurrender sa kanila ng mga pulis at mga opisyal ng barangay.
Sa pangkaraniwang proseso ayon kay Orogo na kinukupkop nila at inaalagaan ang mga batang wala na talagang mga kaanak.
Nilinaw din ni Orogo na ang mga batang mayroon namang mga magulang pa at kamag-anak ay agad nilang kinu-kontak para maisoli ang mga bata.
Inihayag ni Orogo na magtatayo ang DSWD katulong ang mga local government units (LGUs) ng mga Silungan sa Barangay sa buong bansa na magsisilbing pansamantalang maturuluyan ng mga palaboy.
Sa Metro Manila pa lamang kapansin-pansin na ang maraming batang palaboy karamihan pa sa mga ito ay nanlilimos sa mga motorista at mga pedestrian.