Singil sa kuryente at presyo ng mga produktong petrolyo, bababa

MANILA, Philippines (Eagle News) – Inaasahang bababa ang singil ng kuryente ng labing isang sentimos (Php 0.11) kada kilowatt hour ngayong Agosto. Ayon sa MERALCO, nangangahulugan ito ng 22 pisong pagbaba sa electricity bill ng isang pamilyang may buwanang konsumo ng 200 kilowatt hour.

Ang mas mababang singil sa kuryente ay bunsod ng bumabang  generation charge. Ang overall rate ngayong buwan ay mas mababa ng 62 centavos per kilowatt hour kumpara sa 9.12 pesos per kilowatt hour noong August 2015.

Samantala, mababawas din ng presyo ang mga kumpanya ng langis sa kanilang mga produkto ngayong araw ng Martes, Agosto 9. Pitumpu’t-limang sentimo (P 0.75) ang tapyas presyo sa kada litro ng diesel, sampung sentimos (P 0.10) sa kada litro ng gasolina habang walongpu’t limang sentimos (P 0.85) naman ang rollback sa kada litro ng kerosene.

Kaninang 12:01 ng madaling araw nitong Martes ay nauna nang ilarga ng Seaoil, Flying V at Caltex ang kanilang rollback sa kerosene, gasolina at diesel.

Alas-sais naman ng umaga ay sumunod na rin ang kumpanyang Eastern Petroleum, Phornix, PTT at Unioil ngunit para lamang sa gasolina at diesel. Tanging ang Shell lamang ang nagpatupad ng rollback sa presyo ng kerosene sa kaparehong oras.

Ito na ang ikaanim na sunod na linggo na nagpatupad ng rollback ang mga kumpanya ng langis.

Courtesy: Jet Hilario