(Eagle News) — Ipatutupad na ng Manila Electric Company o Meralco ang pagkakaltas ng P 0.19 kada kilowatt hour sa singil sa kuryente ngayong buwan ng Marso.
Ayon kay Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga, dahilan ng pagbaba ng singil sa kuryente ang mababang generation charge na bunsod na rin ng mas murang halaga ng langis.
“This reduction in the generation cost ay primarily ho (dahilan ho nito) ay dahilan ‘dun sa higher dispatch ng mga planta o nung (mga) suppliers namin and to a lesser extent, the slightly lower fuel cost,” pahayag ni Zaldarriaga.
Katumbas ng naturang kaltas ang P 38.00 na pagbaba ng babayaran ng consumer na kumukonsumo ng 200 kilowatthour kada buwan.
Subalit sa kabila ng pagbaba ng singil sa kuryente ngayong buwan, muli naman itong tataas sa susunod na buwan matapos aprubahan ng Energy Regulatory Commission o ERC ang dagdag na bayarin para sa renewable sources of energy.
Mula sa P 0.04, itataas ito sa mahigit P 0.12 kada kilowatt hour para sa mga solar, wind, hydro at iba pang malilinis na sources.