Siyam na bayan ng Bataan, apektado pa rin ng red tide

MARIVELES, Bataan (Eagle News) – Sa ikalawang pagkakataon ay muling nagpalabas ng local shellfish advisory ang Department of Agriculture, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources at Provincial Office of Bataan kaugnay sa mga bayan na apektado pa rin ng red tide.

Ang mga ito ay ang mga sumusunod:

  • Orani
  • Samal
  • Hermosa
  • Limay
  • Orion
  • Pilar
  • Balanga
  • Abucay
  • Mariveles

Mahigpit na pinapayuhan ang publiko na huwag munang mag-aani o bibili ng tahong, suso, talaba at ibang kauri nito na itinitinda sa palengke ng mga bayang ito.

Ligtas namang kainin ang isda, pusit, alimasag at hipon kung ito ay sariwa at lilinising mabuti, ayon sa advisory ng BFAR.

Ayon naman sa kinatawan ng Municipal Agriculture Office na si Ruth Badilles, inatasan ni Mariveles Mayor Ace Jello Concepcion ang kanilang tanggapan na magsagawa ng regular na inspeksiyon sa palengke para matiyak na ligtas ang mga mabibiling produkto dito.

Dagdag pa ni Badilles, gagawin nilang dalawang beses sa isang araw ang inspeksiyon sa palengke kasama ang Philippine National Police Maritime Group.

 

(Eagle News Correspondent – Larry Biscocho)