(Eagle News) — Inakusahan ni Senador Antonio Trillanes IV si Solicitor General Jose Calida na nagtago ng kaniyang mga dokumento partikular na ang kopya ng kaniyang amnesty application.
Ayon kay Trillanes, mismong si Defense Secretary Delfin Lorenzana ang nagsabi na hiningi ni Calida ang kaniyang amnesty records.
“Si Sec. Lorenzana mismo ang unamim na tumawag sa kanya si Calida kung wala ako finile, walang ibibigay sa kanya,” ayon kay Trillanes.
Ang pagkawala ng amnesty application ni Trillanes ang naging batayan ng Department of Justice sa pagsasampa ng kaso laban sa senador sa dalawang branch ng Makati Regional Trial Court kung saan isa rito ang naglabas ng ng warrant of arrest nitong Martes.
Makati RTC 148, posibleng maglabas ng desisyon anomang araw sa kasong kudeta ni Sen. Trillanes
Anomang araw ay posibleng maglabas naman ng desisyon ang Makati RTC Branch 148 sa kasong kudeta ni Trillanes.
Nakapagsumite na kasi nito lamang Miyerkules ng pleading ang DOJ at subject for resolution na ang kaso.
Sen. Trillanes, handang sumama sa mga otoridad kung ipapa-aresto siya
Pero sabi ni Trillanes handa naman syang sumama sa mga otoridad kung ipaaresto sya.
Gayunman, umaasa pa rin umano siya sa patas na pagtrato ng judge na humahawak sa kanyang kaso.
“I will submit to judicial processes kahit maging unjust ang resulta. I will prepare for the worst,” ayon sa senador.
Sen. Escudero, umapela sa SC na desisyunan na ang petisyon ni Sen. Trillanes
Dahil dito, umapela na si Senador Francis Escudero sa Korte Suprema na maglabas na ng desisyon sa petisyon ni Trillanes na kumukwestyon sa legalidad ng Proclamation 572 na nagpapawalang-bisa sa amnestiya laban dito.
Nilinaw ni Escudero na hindi nya sinasabing maglabas ng temporary restraining order (TRO) ang Supreme Court sa halip magdesisyon kung valid ba o hindi ang proklamasyon ng Pangulo.
Ang hindi kasi aniya pagtugon ng Korte Suprema ay nakakaapekto sa substantial rights ng isang indibidwal gaya ni Trillanes.
Katunayan hangga’t walang aksyon ang Supreme Court walang magagawa ang Makati RTC kundi aksyunan ang isinampang reklamo laban kay Trillanes.
“Sana magpasya na ang korte suprema at sabihin nilang valid or hindi ang petisyon ni Sen. Trillanes o kung matatagalan pa ang kanilang pagpapasya, sana ikonsidera nila ang pag-isyu muna ng TRO dahil the right of a person to liberty cannot be made to depend on the court’s absence or lack of action on an issue,” ayon kay Escudero. (Eagle News Service Meanne Corvera)