(Eagle News) — Nag-alok si South Korean President Moon Jae-In ng $1 bilyon para sa “Build, Build, Build” infrastructure program ng pamahalaan.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, sa naganap na pulong ni Pangulong Rodrigo Duterte kasama si President Moon ay nagbigay ang Pangulo ng South Korea ng official development assistance upang makatulong sa nasabing programa ng gobyerno.
Ayon naman kay Department of Finance (DOF) Secretary Carlos Dominguez III, dinoble ng South Korea ang offer mula sa dating $500 milyon.
“ODA from Korea was doubled from $500M to $1B,” ayon kay Dominguez.
Dagdag ni Dominguez, nagpahayag rin ng interes si President Moon ng pagtulong para sa rehabilitasyon ng Marawi City.
Ito ay kapag naisapinal na ni Task Force Bangon Marawi Chair at Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) Secretary Eduardo Del Rosario ang plano para sa lungsod.
“Korea indicated that they will help in the Marawi rehabilitation as soon as the plans are finalized by Secretary (Eduardo) del Rosario,” ani Dominguez.