Southwest monsoon, patuloy na nakakaapekto sa Luzon; 2 LPA patuloy na binabantayan

Photo courtesy of www.pagasa.dost,gov.ph

QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) — Patuloy ang pag-iral ng southwest monsoon o hanging habagat sa malaking bahagi ng luzon.

Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), makararanas ng katamtaman hanggang paminsan-minsan na malalakas na pag-ulan ang Pangasinan, Zambales at Bataan dahil sa ulang dala ng hanging habagat.

Magiging maulap ang kalangitan na may kasamang mahina hanggang sa katamtamang mga pag-ulan, pagkulog at pagkidlat ang iiral sa bahagi ng Batanes at Babuyan Group of Islands, at maging sa nalalabing bahagi ng Ilocos Region, Cordillera, Metro Manila, Cavite at Batangas at nalalabing bahagi ng central Luzon.

Sa nalalabing bahagi naman ng Luzon ay generally fair weather ang mararanasan liban na lamang sa mga ulan na dulot ng localized thunderstorms.

Maganda at maaliwalas naman ang panahon sa Visayas at Mindanao na uulanin lamang dulot ng localized thunderstorms.

Samantala, patuloy namang binabantayan ng PAGASA ang dalawang low pressure area (LPA) sa labas ng bansa.

Ayon kay PAGASA weather specialist Shelly Ignacio, ang isang LPA ay huling namataan sa layong 675 kilometers west ng Basco, Batanes.

Habang ang isa pang LPA ay huling namataan sa silangang bahagi ng Mindanao.