Special Drug Education Center, pinasinayaan sa Quezon City

(Eagle News) — Pinasinayaan ang tinatawag na Special Drug Education Center (SDEC) sa lungsod ng Quezon.

Pinangunahan ito mga opisyal mula sa lokal na pamahalaan ng Quezon City at iba pang ahensya ng gobyerno na nangangasiwa sa paglaban ng iligal na droga.

Ayon kay Quezon City vice Mayor Joy Belmonte, mahalaga na habang maaga ay maligtas ang mga out of school youth at street children sa masamang epekto ng paggamit ng iligal na droga at hindi malulong ang mga ito.

Isasalang aniya ang mga ito sa counseling at pagkakalooban ng iba’t-ibang life at skills training para makaiwas sa masamang bisyo.

Ang mga hindi nakapagtapos ng pag-aaral ay ipapasok sa Alternative Learning System  o ALS.

Nilinaw rin ni Belmonte na ang Special Drug Education Center ay hindi drug treatment at rehabilitation kundi isa itong community based facility na magbibigay ng kaalaman sa mga out of school youth at street children para maiwasan ang paggamit ng iligal na droga.

Kabilang sa mga ituturo ay computer education na pangangasiwaan ng Department of Information And Communications Technology.

Bibigyan ng certificate ang mga papasok sa Special Drug Education Center na maaaring magamit sa kanilang pagbabalik sa paaralan o kaya ay paghahanap ng trabaho.

Ang nasabing special drug education center na pinasinayaan sa Quezon City ang kauna-unahan sa bansa.

Matatagpuan ang special drug education center sa Batasan Hills, Barangay Milagrosa, Barangay Greater Lagro at Barangay Tandang Sora sa Quezon City.

Eagle News Service

Related Post

This website uses cookies.