(Eagle News) — Aabutin ng isa at kalahating kilometro ang bakod na ilalagay sa Manila Bay upang bigyang-daan ang rehabilitasyon at maiwasan na ang pagsi-swimming sa karagatan.
Sa panayam ng Radyo Agila, sinabi ni Environment Undersecretary Benny Antiporda na bubuksan ang kanal at lalagyan ng daluyan patungo sa outfall upang masigurong wala nang maruming tubig na babagsak sa karagatan.
Mula aniya sa seawall ay dalawang metro ang layo ng itatayong bakod.
“The main objective is linisin ang Manila Bay pero ang bakod na ilalagay ay isa rin yan para hindi na mag-swimming ang mga pasaway nating kababayan,” ayon kay Antiporda.
Samantala, sinabi rin ni Antiporda na isasama nila sa relocation ang mga kabahayan sa paligid ng Pasig River.
Habang wala pa umanong tiyak na relocation site, maglalagay muna sila ng communal septic tank at sariling sewage treatment plant para sa mga squatter area sa paligid ng Manila Bay upang hindi na makadagdag pa sa polusyon ng karagatan.