Daet, Camarines Norte – Pinangunahan ng Team Kazakhstan sa ilalim ng Team Vino 4-Ever SKO ang ikalawang yugto ng nagpapatuloy na Le Tour de Filipinas 2016 mula Lucena City hanggang Daet, Camarines Norte na mayroong distansyang 205 kilometro.
Bandang hapon kahapon (Pebrero 19, 2016) nang unang makarating ang 22 taong gulang na si Oleg Zemlyakov sa Finish Line ng Stage 2 ng kumpetisyon. Hindi biro ang pinagdaanan ng mga kalahok dahil na rin sa mga matatarik at zigzag na daan sa mga bahagi ng Atimonan, Quezon at Labo, Camarines Norte na sinamahan pa ng ilang bahaging rough road sanhi ng mga isinasagawang rehabilitasyon ng mga tulay at kalsada.
Pumangalawa naman ang isa ring kabilang sa Team Vino 4-Ever SKO na si Yevgeniy Gidich na may pagitan na 16 na segundo mula kay Zemlyakov.
Nagmula naman sa koponan ng 7-11 Sava Road Bike Philippines (RBP) ang nagtapos sa ikatlong pwesto na si Jesse James Ewart samantalang nasa pang-anim na pwesto ang kasamahan nito na si Marcelo Felipe.
Sa pagtatapos ng Stage 2 ng International Cycling Competition, nanguna sa Stage Individual Classification atStage Team Classification ang Team Vino 4-Ever SKO na sinundan ng 7-11 Sava RBP.
Samantala, sa kasagsagan ng kumpetisyon, isa sa mga convoy at sponsor ng cycling tournament ang tumagilid sa bahagi ng Sitio Potot, Brgy. Daguit sa bayan ng Labo habang bumabaybay patungo sa bayan ng Daet. Ayon sa driver na hindi na pinangalanan, nawalan umano ito ng kontrol nang hindi nito natantya ang sharp curve sa naturang lugar. Maswerte namang walang ibang sakay ang driver at hindi naman din ito nagtamo ng anumang pinsala sa katawan.
Tumulak na ngayong umaga (Pebrero 20, 2016) ang mga cyclist para simulan naman ang Stage 3 ng naturang torneyo patungong Legazpi City na may distansyang 200 kilometro. (Edwin Datan, Jr, Eagle News)
(photo credits: Luigi Querubin/Danilo Rada/Kenneth Oning)