State of Calamity, idineklara sa Mabini, Batangas; P28.5 mn, cost of damage sa infra ng lindol

The successive strong quakes in Mabini, Batangas destroyed the public market in the area. (Photo by Meanne Corvera, Eagle News Service)

By Meanne Corvera

Eagle News Service

MABINI, Batangas (Eagle News) — Epektibo ngayong araw (Abril 9) idineklara na ang state of calamity sa bayan ng Mabini sa Batangas kung saan ang karamihan ng mga residente ay nagulat at labis na nag-aalala dahil sa malalakas na lindol na tumama sa kanilang lugar.

Hanggang ngayon ay nasa “state of shock” pa rin ang mayorya sa mga residente, ayon kay Mabini Mayor Noel Luistro.
Ngayon lang daw kasi nila naranasan ang malakas na lindol sa nakalipas na halos 100 taon

 

Mabini, Batangas mayor Noel Luistro, and other Batangas officials led by Governor Hermilando Mandanas, hold a media briefing. (Meanne Corvera, Eagle News Service)

 

Ayon pa kay Mayor Luistro, umabot na sa 24 mula sa kabuuang bilang ng 34 na mga baranggay sa Mabini ang apektado ng lindol.

Sa inisyal na pagtaya ng Mabini Municipal Disaster and Risk Reduction and Management Council umaabot na sa P28.5 million ang nawasak sa imprastraktura.

Sinabi pa ni Luistro na walang naitalang casualties sa lugar. May isang residente naman na bahagyang nasugatan nang tamaan ng debris ng isang gusali.

Batay sa datos ng Mabini Disaster Risk Reduction Management Council, umaabot na sa 90 bahay ang lubos na nawasak (totally damaged) ng lindol.

Pinakamarami rito ay naitala sa mga baranggay Pulong Niogan at San Francisco.

Umabot naman sa halos 600 na mga bahay ang partially-damaged.

Matindi rin ang epekto ng lindol sa mga eskwelahan at mga gusali na pag aari ng gobyerno. Kabilang na rito ang public market, barangay hall at tourism office sa Baranggay Anilao.

Samantala, patuloy na nararamdaman ang mga pagyanig o aftershock dito sa bayan ng Mabini.

Batay sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), naitala ang 3.9 magnitude na lindol sa Mabini, dakong 11:14 ng umaga.

May lalim itong 25 kilometers at tectonic ang origin.

Naramdaman ang Intensity IV sa Tingloy, Batangas;

Nitong 11:18 ng umaga naman, naitala ang magnitude 3.4 na lindol sa Mabini, Batangas

Nauna nang ipinahayag ni PHIVOLCS director Renato Solidum Jr., na isang “earthquake swarm” ang tumama sa probinsya ng Batangas. Ang pinakamalakas or major shock sa nasabing mga pagyanig ay ang naganap kahapon ng 3:09 p.m., kung saan isang magnitude 6.0 ang tumama sa bayan ng Mabini.

(Eagle News Service)

Related Post

This website uses cookies.