MANILA, Philippines (Eagle News) — Sa buong Pilipinas at hindi lamang sa Mindanao ang State of Lawlessness na idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang paglilinaw ni Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo sa panayam ng programang Guest Who’s Talking sa Radyo Agila DZEC.
Ginawa ni Panelo ang paglilinaw bunsod ng mga kalituhan dahil wala umanong malinaw na banggit ang
Pangulo sa nasasakop ng idineklarang State of Lawlessness.
Sinabi pa ni Panelo na bago pa man ang pagsabog na nangyari sa Roxas District sa Davao City kagabi ay binubuo na ang isang kautusan para sa pagpapailalim ng bansa sa State of Lawlessness.
Kabilang sa pinagbatayan sa deklarasyon ang malawak na problema ng bansa sa ilegal na droga, terorismo at maging ang rebelyon aniyang nagaganap sa bahagi ng Mindanao.