REAL, Quezon (Eagle News) – “Pag-ibig sa Kapuwa at sa Kalikasan” ang naging tema ng aktibidad na story telling at feeding program na isinagawa ng Iglesia Ni Cristo sa hilagang bahagi ng Quezon sa bayan ng Real. Pinangunahan ito ni Bro. Isaias A. Hipolito, Supervising Minister ng Quezon North.
Dinaluhan ito ng nasa halos 300 mga bata na may edad 2-6 na taong gulang kasama ang kanilang mga ina. Bagaman INC ang nag-organisa sa nasabing aktibidad ngunit marami ring mga hindi miyembro ng INC ang dumalo.
Nagsimula ang programa sa isang panalangin. Sinundan agad ito ng paglalahad ng kuwento na may kinalaman sa pagmamalasakit sa kalikasan. Isinalaysay din sa harap ng mga bata at mga magulang ang talambuhay ni INC Executive Minister Bro. Eduardo V. Manalo upang ipakilala sa mga tao na ang INC ay may Tagapamahalang Pangkalahatan na nangunguna na ang layunin ay para sa kabutihan ng bawat miyembro nito. Ang aktibidad na ito bilang paggunita sa ika-7 taong matagumpay na Pamamahala ni Bro. Eduardo V. Manalo sa Iglesia.
Bago matapos ang aktibidad ay namahagi ng lapis at papel na magagamit ng mga bata sa pagsasanay nilang sumulat. Naging masaya at masigla naman ang mga bata nang matanggap nila ang kanilang bahagi sa feeding program lalo na ang kanilang mga nanay dahil nakita nila ang kanilang anak na kumain at masayang nakikinig at natututo ng karagdagang kaalaman.
Courtesy: William Inte, Rhea Orozco, at Nice Gurango