(Eagle News) — Napatay ng tropa ng gobyerno ang isang sub-leader ng Abu Sayyaf Group sa isang engkwentro sa Sulu nitong Sabado.
Ayon kay Brig. Gen. Cirlito Sobejana, Commander ng Joint Task Force Sulu, napatay ng Marines si Abu Sayyaf Sub-Leader Bagong Muktadil sa isang engkwentro sa Barangay Silangkan, sa bayan ng Parang.
Naka-engkwentro aniya ng puwersa ng Marines ang grupo ni Muktadil na nakasakay sa isang jungkong type na watercraft.
Sinabi ni Sobejana na isinagawa nila ang operasyon matapos makakuha ng impormasyon mula sa mga residente ukol sa presensya ng mga bandido sa lugar.
Dinala na sa isang ospital sa bayan ng Jolo ang bangkay ng bandido.
Ayon kay Sobejana, pinaniniwalaan na ang grupo ni Muktadil ang nasa likod ng naganap na seajacking sa isang Taiwanese vessel sa Pearl Bank, Tawi-tawi noong nakaraang Pebrero, at ang pagdukot sa isang Taiwanese national noong Nobyembre 2013.