Subpoena para kay CJ Sereno, ikinokonsidera ng House panel

MANILA, Philippines (Eagle News) — Upang mapilitan umanong dumalo sa impeachment proceeding, ikinukunsidera na ng House Committee on Justice ang pagpapa-subpoena kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Ayon kay Oriental Mindoro Representative Reynaldo Umali, chairman ng komite, isa sa kanilang option ang pagpapa-subpoena sa punong mahistrado bilang bahagi ng kanilang mandato at bilang isang constitutional officer ay dapat aniyang sundin ito ni Sereno.

Dagdag pa ni Umali, ang pag-iisyu ng subpoena ay isa sa kanilang coercive power para mapadalo si Sereno.

May posibilidad din daw na ipa-contempt si Sereno at ma-detain ito sa Kamara sakaling patuloy nitong isnabin ang imbitasyon ng komite.

Gayunman, aminado si Umali na posibleng magdulot ito ng constitutional crisis dahil sa umiiral na separation of powers ng lehislatibo at hudikatura.

Hindi rin isinaisantabi ni Umali ang posibilidad na humaba pa ang deliberasyon sa impeachment complaint laban kay Sereno hanggang sa Enero ng susunod na taon kung kailan muling magbabalik ang sesyon ng Kongreso.

Posible umanong maantala ang kanilang pagboto sa committee report sa December 13 o araw bago mag-adjourn ang sesyon ng Kongreso para sa holiday.

Kahapon ay ibinasura ng komite sa botong 30 pabor at apat na tutol sa kahilingan ni Sereno na katawanin siya ng kaniyang mga abugado at magsagawa ng cross-examination sa mga testigo na ipiprisinta ng complainant na si Attorney Larry Gadon.

Ibinasura rin kahapon sa botong 30 pabor at tatlong boto na tutol sa mosyon ng ilang kongresista na magkaroon ng partisipasyon ang mga kongresistang hindi miyembro ng Komite.

Sa susunod na pagdinig, iimbitahan ng komite ang lahat ng mahistrado ng Korte Suprema at ang reporter na tinukoy ni Gadon para magbigay ng linaw sa impeachment complaint laban kay Sereno.

(Eagle News Service Eden Santos)

Related Post

This website uses cookies.