LA LIBERTAD, Zamboanga del Norte (Eagle News) – Umabot sa 98 kabataang mag-aaral ang nakinabang sa isinagawang summer class ng kapulisan sa Zamboanga del Norte. Ito ay may temang “Pulis ko, Titser ko.” Isinagawa ito sa La Libertad, Zamboanga del Norte na pinangunahan ng Philippine National Police (PNP) La Libertad. Katuwang din ng naturang programa ang Department of Education (DepEd) at mga personahe ng Zamboanga del Norte Police Provincial Office (ZNPPO).
Naging panauhing tagapagturo si SPO2 Dannette Abella ng WCPS-PNCO. Isa sa layunin ng programa ang pagtuturo sa mga bagong batas. Itinuro nila ang Special Protection for Children, Sexual Harrassment, VAWC, Human Trafficking at iba pa.
Ayon kay Abella, maliban sa itinuro ng DepEd, inilahad rin nila ang kahalagahan bilang pulis sa ating pamayanan. Nilalayon din nasabing programa na mailayo ang mga kabataan sa pang-aabuso at maitanim sa kanilang kaisipan ang kanilang karapatan.
Ang nasabing Summer Class “Pulis ko, Titser Ko” ay matagal nang programa ng kapulisan. Ina-activate nila ito kung saan ang La Libertad MPS ang unang nagsawa. Samantala, sa pagtatapos ng labinlimang araw na Summer Class ay makakatanggap ng sertipiko mula PNP at DepEd ang mga estudyante.
Elmie Ello – EBC Correspondent, Zamboanga del Norte