POLANCO, Zamboanga del Norte (Eagle News) – Umabot sa mahigit 700 na kabataan ang nakilahok sa isinagawang Summer Youth Camp 2017 sa Zamboanga del Norte.
Ginanap ito sa Polanco Gym, Polanco noong Hunyo 2 at 3 na may temang “Kabataang ayaw sa iligal na droga.”
Pinangunahan ito ng mga kinatawan ng lokal na pamahalaan, ang Department of the Interior and Local Government, Philippine National Police at Department of Social Welfare and Development.
Ipinahayag ni Atty. Clemente Carollo, Jr. kung paano niya naiwasan ang masamang bisyo.
Dagdag pa ni Carollo, hindi dapat bigyan ng daan ang “curiosity” pagdating sa iligal na droga dahil hahanap-hanapin na ito ng katawan kung ito ay susubukan.
Ayon naman kay Eugene Morcilla Chief ng Philippine Drug Enforcement Agency, mayroong masamang epekto sa kalusugan ang droga.
Pinayuhan ang mga ito na piliin ang kakaibiganin.
Baka aniya mapasama pa ang mga kabataan sa mga kaibigan na nadadawit sa droga at nasa drugs watchlist pa ng mga awtoridad.
Elmie Ello – EBC Correspondent, Zamboanga del Norte