Sundalong galing sa Marawi City, patay matapos pagbabarilin sa Pagadian City

Corporal Rhofel Lihay-lihay (Photo courtesy: 2Lt. Rogelio Lihay-lihay, ama ng biktima)

PAGADIAN CITY, Zamboanga del Sur (Eagle News) – Dead-on-the-spot ang isang sundalo na kakauwi lamang galing Marawi City.

Ito ay matapos pagbabarilin ito ng dalawang hindi pa nakilalang suspek madaling araw nitong Martes, October 24, sa Fontanilla Residence, Urro Corner Bana Street, Purok Sweet Honey, Brgy. Sta. Maria.

Kinilala ang biktima na si Corporal Rhofel Lihay-lihay, 39 taong gulang, kasalukuyang naka-assign sa Civil Military Operation Battalion sa 1st Infantry Tabak Division, na nakabase sa Camp. Sang-an Upper Pulacan, Labangan, Zamboanga del Sur.

Pansamantala itong nadestino sa Marawi City noong kasagsagan ng giyera laban sa Maute Group.

Kuha sa mismong crime scene kung saan binaril ang biktima habang naglalaro ng billiard. (Photo courtesy: PNP-Pagadian)

Base sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, habang naglalaro ng billiards ang biktima, dalawang armadong lalaki ang dumating at pinagbabaril ito.

Nagtamo ng tama ng bala ang biktima sa ulo at sa iba’t ibang bahagi ng katawan na siyang dahilan sa kaniyang agarang kamatayan.

Agad naman tumakas ang mga suspek sa hindi pa matukoy na lugar gamit ang isang motorsiklo.

Kabilang sa nakuha sa crime scene, ang labing-isang basyo ng kalibre kwarenta’y singkong baril, labin-tatlong basyo ng 9 mm pistol at limang slug ng mga bala.

(Photo courtesy of PNP-Pagadian)

Ayon naman sa kinakasama ng biktima na si Joanne Perez, tuwang-tuwa na aniya siya dahil tapos na ang giyera sa Marawi City, ngunit hindi pala mamatay sa bakbakan ang kaniyang kinakasama.

Sa huli mangiyak-iyak na humingi ng hustiya ang kinakasama ng biktima.

Sa ngayon patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang motibo sa nasabing pamamaslang.

(Eagle News Correspondent Ferdinand Libor)

Related Post

This website uses cookies.