Ni Merly Orozco
Eagle News Correspondent
TANDAG CITY, Surigao del Sur (Eagle News) – Isang sunog ang naganap sa Purok Mercury, Brgy. Telaje, Tandag City, Surigao del Sur nitong Lunes, Agosto 13 bandang 6:45 ng gabi.
Itinuturong dahilan ng pinagmulan ng nasabing sunog ay ang pumutok na saksakan ng electrical appliances. Mabilis na kumalat ang apoy lalo’t ang karamihan sa mga bahay ay gawa lamang sa light materials.
Agad namang rumesponde ang personnel ng Tandag City Bureau of Fire Protection at ang kalapit na munisipalidad mula sa San Miguel, Madrid, Cortes, Marihatag at Lanuza kasama din ang mga kapulisan at kasundaluhan.
Hindi agad naapula ang apoy dahil na rin sa masikip na daanan ng lugar at halos dikit-dikit ang mga bahay. Tumagal ng halos talong oras ang naturang sunog.
Dahil na rin sa bilis na pagkalat ng apoy ay marami sa mga residente na kaunti lamang ang mga gamit na naisalba.
Ayon naman sa otoridad, tinatayang nasa dalawang milyong piso ang naitalang danyos sa nasabing sunog. (Eagle News Service)