(Eagle News) — Naaresto ng operatiba ng National Bureau of Investigation Anti-Fraud Division ang isang Junjie Banaag Alimparos matapos mabisto ang modus operandi nito sa pamemeke ng mga dokumento upang makabili ng bagong sasakyan sa isang car dealer.
Nagpapakilala sa iba’t ibang pangalan ang suspek at gamit ang mga pekeng dokumento tatawag ito sa isang car dealer at pagkatapos magpakilala sa ibang pangalan.
Ipapadala.nito ang mga pekeng documento gaya ng approved purchase order at loan bank approval sa pamamagitan ng email upang makakuha ng sasakyan.
Noong Mayo 25, natangayan ng isang bagong sasakyan ang car dealer na Rizal Autozone Inc. sa pamamagitan ng modus ng suspek.
Matapos makatangay ng sasakyan nagtangka pa itong ulitin ng suspek sa isa pang branch ng naturang car dealer sa Carmona, Cavite.
Sa kaparehong pamamaraan, tumawag ang suspek sa car dealer at nagpakilala sa pangalang Jeffrey Tuazon Yap.
Inutusan nito ang sales agent na ipangalan sa isang Angelo Tuazon Yap na diumano ay kapatid ng suspek at ireregalo niya ang biniling sasakyan.
Pero na i-report na ang naturang insidente kaya naman isinagawa ang entrapment operation at dito na nahuli ang suspect.
Iba’t ibang ID ang nabawi sa suspek at magkakaiba ang nakalagay na pangalan sa iisang mukha.
Naniniwala ang NBI na may mga kasabwat pa ang nahuling suspek dahil alam nila ang mga dokumento na kinakailangan sa pagproseso ng isang car loan.
Aalamin din ng NBI kung may kasabwat na taga car dealer ang suspek maging sa banko o di kaya naman private individuals na siyang nagpapatakbo ng sindikato.
Dagdag pa ng NBI posibleng higit dalawang taon nang tumatakbo ang naturang sindikato. Matapos makatangay ng sasakyan agad ibinenta diumano ng mga ito ang mga sasakyan dahil wala naman anila itong alarma sa Highway Patrol Group (HPG) o sa iba pang otoridad.
Sa imbestigasyon pa ng NBI apat na sasakyan na ang natangay ng suspek simula lamang nitong Abril ng taon.
Nahaharap sa kasong estafa sa pamamagitan ng falsification ng commercial document at falsification ng public document sa Pasay City Prosecutor ang suspek.
Muli namang nagpaalala ang NBI sa publiko na maging maingat sa mga inaalok na sasakyan at tiyakin na hindi ito iligal na ibinebenta.