Suspek sa masaker sa Bulacan, negatibo sa drug test; mga bagong testigo lumutang

SAN JOSE DEL MONTE CITY, Bulacan (Eagle News) – Nagnegatibo sa paggamit ng iligal na droga ang suspek sa pagpatay sa isang pamilya sa San Jose del Monte City, Bulacan.

Ang suspek na si Carmelino Ybañez, na isang construction worker, ay una nang umamin na siya ang pumaslang sa limang miyembro ng isang pamilya sa probinsiya.

Sinabi din nito na siya ay nakagamit ng droga nang patayin niya ang mga biktimang sina Estrella Carlos, Aurora Dizon, tatlong bata na sina Donnie, Ella at Dexter, Jr.

Lumalabas din na posibleng hinalay pa si Estrella at ang kaniyang 58 taong gulang na ina na si Aurora.

Ngunit ayon kay San Jose del Monte City Police Chief Supt. Fitz Macariola, hindi maaapektuhan ng naging resulta ng drug test ang limang kaso ng murder at dalawang bilang ng rape na inihain laban sa suspek.

Ngayon ay pinag-aaralan pa rin ng pulisya ang posibleng pagkakasangkot ng dalawa pang lalaki, na nakilala lamang sa mga pangalan na “Inggo” at “Tony,” na una nang sinabi ni Ybañez na kasama niya nang atakihin nila ng mga biktima.

Kaugnay nito, nadagdagan pa ang mga testigo sa krimen.

Ayon kay Macariola, sa ngayon ay bineberipika pa nila ang mga pahayag ng tatlong bagong testigo na lumutang kamakailan lang.

Inaalam na aniya ng mga imbestigador kung magtutugma ang mga sinabi ng tatlong bagong testigo sa mga sinabi ng unang testigo.

Naniniwala naman ang opisyal na malaki ang naitulong ng pabuyang Php200,000 para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon tungkol sa nangyaring krimen.

Ngayong araw isusumite (July 3) sa Prosecutor’s Office ang mga salaysay ng mga bagong testigo.

(Ben Salazar – Eagle News Service)

Related Post

This website uses cookies.