PAGADIAN CITY, Zamboanga del Sur (Eagle News) – Naaresto na ng Philippine National Police (PNP) ang suspek sa pagpatay sa incoming Provincial Schools Division Superintendent (SDS) ng Department of Education-Zamboanga del Sur na si Dr. Marcom Borongan.
Kinilala ang suspek na si Leoncio Toledo, taga-Purok Lower Lumboy, Pagadian City.
Naaresto si Toledo sa Barangay Poblacion Dimataling, Zamboanga del Sur, ng Special Investigation Task Group (SITG) Borongan matapos ituro ito ng isang witness.
Ngunit giit ng suspek na hindi siya ang responsable sa nasabing pamamaril.
Nagtratrabaho umano siya sa panahong iyon at nagpipintura sa isang PNP Building sa bayan ng Dimataling.
“Nagtatrabaho po ako, pagkatapos nagti-text sila sa akin na may paratang sila sa akin. Pagdating nila sabi ko, may trabaho pa ako sir. Sabi nila, huwag kang mag-alala kami ang bahala. Sabi ko ang ang sahod ko, tapos dinala nila ako dito,” pahayag ng suspek.
Matatandaan na nasawi si Borongan matapos pagbabarilin sa dapat niyang turn-over ceremony at sa kaniyang despedida party.
Kasalukuyan ng nakakulong ang suspek sa Pagadian City Police Station lock-up cell.
Ferdinand Libor – Eagle News Correspondent, Pagadian City