MULANAY, Quezon (Eagle News) – Tatlong buwang suspendido bilang Mayor ng Mulanay Quezon si Joselito “Tito” Ojeda matapos mapatunayan sa salang simple misconduct ng Office of the Ombudsman. Ang suspension order ay isinilbi ni Lionel L. Dalope, Provincial Director ng Department of Interior and Local Government (DILG) Quezon.
Nag-ugat ang nasabing suspension matapos mapatunayan na si Ojeda ay nag-hire ng isang Private Lawyer bilang Legal Officer sa kanilang Munisipyo. Ang nabanggit na abogado ay si Attorney Gimenez at tumatanggap ng halagang Php 15,000 bilang monthly honorarium. Ayon sa ruling na inilabas ng Ombudsman, ang ginawang ito ng Mayor ng Mulanay ay maliwanag na paglabag sa mga batas na pinaiiral ng Office of the Solicitor General at maging ng Commission on Audit (COA).
Bitbit ang papeles na galing sa Ombudsman at DILG, agad na nagtungo ang mga kinatawan ng DILG Quezon sa Opisina ni Mayor, subalit ang mga staff lamang ng Punong-Bayan ang humarap sa kanila at sinabing hindi pumasok sa opisina si Ojeda. Dahil dito, ipinaskil na lamang ang suspension order sa pinto ng Munisipyo at ipadadala na lang umano ang isa pang kopya nito sa pamamagitan registered mail ng nasabing Mayor ng Mulanay.
Jerbe Formanes, Jeric Mendoza at Roni Rodique – EBC Correspondent, Mulanay, Quezon
(Photo credited to the owner)