System Audit, ipagpaliban muna – Comelec

Screen shot 2016-05-25 at 8.38.33 PM
Comelec Chairman Andres Bautista

(Eagle News) — Unanimous ang naging botohan ng Commssion on Elections (Comelec) en banc na ipagpaliban muna ang hiling ng kampo ni vice presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na system audit sa mga server na ginamit sa katatapos na eleksyon.

Ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista, may mga punto silang tinalakay sa en banc kung bakit dapat isantabi muna ang nasabing kahilingan.

Una, binigyan ng sapat na panahon ang bawat partido na makita ang election system bago isagawa ang halalan kaya masasabi aniyang naging transparent ang komisyon ukol rito.

Pangalawa, nagsisimula na ang canvassing sa kongreso para sa presidential at vice presidential race.

Bukod pa rito, may nakasampang kaso laban sa mga tauhan ng Smartmatic at Comelec IT department. Dahil dito, ang tanong ni bautista ay kung magagamit ba ang mga makakalap na resulta ng system audit laban sa mga indibidwal na inihabla.

Bukas naman daw sila sa system audit pero dapat itong gawin ng independent at non-partisan IT experts.

Maari din umano itong gawin ng mga tauhan ng Department of Science and Technology maging ng Comelec Advisory Council.

Una nang sinabi ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon na dapat isang third party independent group ang magsagawa ng auditing sa automated elections system.

Makatutulong aniya ang independent auditing para matukoy kung gaano ka-epektibo ang ginamit na sistema sa katatapos na eleksyon.

Bukod sa sistema, dapat din anyang masuri ang operations manual ng Comelec sa nagdaang botohan para mas mapaghusay nila ang pagdaraos ng eleksyon.

 

Sinusubok naman ng Eagle News na makuha ang panig ng kampo ni Marcos ukol sa deferment ng system audit.

Una nang iginiit ng kampo ng vice presidential candidate na makatutulong ang system audit upang malaman kung totoo ba o hindi ang alegasyon ng anomalya sa bilangan.