TACLOBAN CITY, Leyte (Eagle News) – Sa darating na December 18-19 ay ipagdiriwang ng mga taga-Tacloban ang ika-walong anibersaryo nito bilang Highly Urbanized City.
Sa unang araw ay isasagawa nila ang HUC Run na mag-uumpisa sa City Hall Kanhuraw Hill paikot sa buong syudad. Layunin nito ay upang ipamalas kung paano bumangon, naging matatag at matibay, at patuloy ang pag-usad sa pag-unlad sa loob ng tatlong taon matapos wasakin ng Super Typhoon Yolanda ang lungsod.
Ang HUC run ay may 42, 21, 10 at 3 kilometro. Susundan naman ito ng isang Citywide clean-up drive sa buong downtown area ng mga empleyado ng City Hall na pangungunahan ni Tacloban Chief Executive Mayor Cristina Romualdez. Habang ang 134 barangays naman ay inatasang sa kani-kanilang mga barangay ito maglilinis.
Sa ikalawang araw ay magkakaroon ng kasiyahan na may kasamang parlor games, pagkilala at paggawad. Ito ay dadaluhan ng mga Department Heads, mga opisyal ng lungsod at buong workforce ng City Hall. Uumpisahan ang araw na ito ng awarding ng mga Outstanding Taxpayers at pagbibigay kilala ng mga retirees.
Gagawaran naman ng Local Government Unit ng Tacloban ng Plaque of Appreciation ang Top Ten Outstanding Business Taxpayers na magmumula sa Corporate, Individual at Real Property Taxpayers. Ayon kay Mayor Romualdez isa raw ang mga ito na nakatulong upang mabilis na makabangon muli ang syudad mula sa pagkawasak.
Ang Tacloban City ay ika-34 Highly Urbanized City. Ito ay itinuring na gateway ng Eastern Visayas na nakikipag kumpetensya sa iba pang HUC’s hanggang sa dinaanan ng delubyo.
Samantala, patuloy naman sa pagbangon at pagdaragdag ng mga establisyemento sa tulong ng mga international organization. Kamakailan ay binuksan ang expansion mall ng Robinsons Atrium. At aasahan sa 1st quarter sa susunod na taon ay bubuksan ang The Summit Hotel. Sa last quarter naman ay Robinsons Tacloban North.
Vicky Wales – EBC Correspondent, Tacloban City