(Eagle News) — Sumugod sa senado ang may 100 miyembro ng Volunteers Against Crime And Corruption (VACC) at mga barangay official.
Ito’y para suportahan umano ang Philippine National Police (PNP) sa ginagawang kampanya ng ahensya laban sa iligal na droga.
Nais anilang ipakita ang kanilang suporta at pagpapalakas sa morale ng kapulisan sa harap ng ginagawang imbestigasyon ng senado sa mga kaso ng umano’y summary executions at extrajudicial killings sa mga sangkot sa illegal drugs.
Iginiit ng VACC na ang droga ang ugat ng talamak na kriminalidad at mga karahasan sa bansa at tama lang anila na palakasin pa ng gobyerbo ang giyera kontra droga.
Kinikuwestyon din ng grupo kung bakit kailangan pa anilang imbestigahan pa ng senado ang isyu gayong may mga sapat na batas na para maresolba ang isyu.
Suportado naman ng mga barangay official ang kampanya ng PNP.
Mula anila nang magsimula ang kampanya ng gobyerno laban sa illegal drugs, naibalik umano ang peace and order sa mga barangay.
Sa Barangay Holy Spirit sa Quezon City, bumaba umano ng halos 70% ang kaso ng kriminalidad.
Nawala na rin anila ang takot ng mga residente sa mga insidente ng panghoholdap at akyat-bahay na kagagawan anila ng mga drug addict.
Bago tuluyang pumasok sa gusali ng senado para dumalo sa hearing, nakipagdayalogo pa si PNP Chief General Ronald dela Rosa sa mga raliyista.
Nagpapasalamat naman si Dela Rosa sa suporta ng VACC at mga Barangay Officials at nangakong gagawin ng kapulisan ang kanilang trabaho para maibalik ang peace and order sa bansa.
Mahalaga aniya ang ganitong mga hakbang para itaas ang morale ng kapulisan at magawa ang kanilang mandato.