MANILA, Philippines — Naghahanda na ang Taiwan sa super typhoon na ‘Nepartak’ na inaasahang tatama sa kanilang bansa, paglabas nito ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Inatasan na ng lokal na pamahalaan ng Taiwan ang lahat ng kanilang emergency response officials na paghandaan ang super bagyo upang maiwasan ang maraming casualties sakaling maglandfall ito.
Nagpalabas na ng kaukulang babala ang Taiwan Central Bureau sa mga residente ng Hualien at Taitung, kasama na ang Orchid Island sa malalakas na hangin at ulan na maaaring dala ng bagyong ‘Nepartak’.
Ngayong araw hanggang bukas, inaasahang mararanasan ng Taiwan ang epekto ng naturang bagyo.
Sa kasalukuyan, nasa loob pa ito ng Philippine Area of Responsibility at tinatawag na ‘Butchoy’ bagama’t inaasahang lalabas ito sa teritoryo ng bansa, Biyernes ng gabi.